Georgia

ST. MARTIN CO-OP, NAKIISA SA CO-OP VOTE ELECTORAL FORUM

Taglay ang paksang-diwa na “Empowering Co-ops, Strengthening Communities: Million Votes for a Brighter Future”, pinangunahan ng Philippine Chamber of Cooperatives at Climbs Life and General Insurance Cooperative ang isang electoral forum nuong ika-26 ng Marso, 2025 na aktibong nilahukan ng St. Martin Co-op kasama ng iba pang kooperatiba sa NCR at Region III. 

Itinampok sa forum na ito ang kahalagahan ng pagboto at pagsuporta sa COOP NATCCO party-list na tunay na nagsusulong sa kapakanan at interes ng mga kooperatiba sa Kongreso. Layunin ng pagtitipon na pagkaisahin ang mga kasapi ng kooperatiba upang maabot ang isang milyong boto para sa mas maliwanag na hinaharap.

Sa kanyang welcome remarks, binigyang-diin ni G. Noel D. Raboy, Chairperson at Founding Trustee ng Co-op Chamber, ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga kooperatiba sa pamamagitan ng isang boto upang mapanatili ang kanilang karapatan. Aniya, “Dapat ipagdiwang at palakasin ang tinig ng kooperatiba upang higit na marinig sa lipunan.”

Ipinaliwanag naman ni G. Edwin A. Bustillos, Secretary General ng Coop Chamber, sa kanyang presentasyon na "Overview of the Coop Vote" kung paano maaaring pag-isahin ang mga kooperatiba sa pamamagitan ng pagboto. Inilahad niya ang kahalagahan ng pagbuo ng base votes upang mapalakas ang representasyon ng kooperatiba sa gobyerno.

Nagbigay rin ng solidarity message si Congressman Felimon M. Espares, na ipinahayag sa pamamagitan ni Secretary General Carl Duenas ng COOP NATCCO Party-list.  Binigyang-diin niya ang mga nagawa ng COOP NATCCO Party-list hindi lang sa mga kooperatiba kundi sa mismong mga indibidwal na kasapi nito.  Samantala, nagpadala rin ng mensahe si Undersecretary Alexander B. Raquepo, Chairperson ng Cooperative Development Authority (CDA) sa pamamagitan ng video conferencing, na kung saan, kanyang tinalakay ang mahalagang papel ng mga kooperatiba sa pagpapalakas ng ekonomiya at demokrasya sa bansa gayundin ang kanyang mga priority agenda bilang bagong CDA Chairperson.

Nagkaroon din ng talakayan at pagpapahayag ng suporta sa mga kandidatong may malasakit sa sektor ng kooperatiba. Bukod dito, inilahad ng mga tagapagsalita ang kahalagahan ng tamang impormasyon upang makagawa ng matalinong desisyon sa darating na halalan.

Sa pagtatapos ng forum, nagkaisa ang mga kalahok, kabilang ang St. Martin Co-op, sa panawagang palawakin pa ang kampanya upang mas maraming miyembro ng kooperatiba ang makilahok sa darating na halalan at iboto ang party-list na kung saan tayo kabilang.